
Patuloy ang isinasagawang search and rescue operation ng Philippine Coast Guard (PCG) Calayan, katuwang ang kanilang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office sa tatlong indibidwal na bumyahe sakay ng bangka noong Martes, January 27, 2026, ngunit bigong makabalik sa kanilang lugar.
Ayon sa mga awtoridad, ang tatlong indibidwal ay sakay ng isang lampitaw na double engine na may markang ‘DHIN-DHIN.’
Kinilala ang tatlong magpipinsan na sina Jay Duerme, 41-anyos; Anthony Duerme, 25-anyos; at Francis Duerme, 22-anyos.
Batay sa ulat, umalis ang tatlo sakay ng nasabing bangka bandang alas-7 ng umaga mula Calayan Proper at pauwi sana ng Balatubat, Camiguin, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakauwi.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng mga awtoridad sa mga kalapit na lugar kung saan posileng mapadpad ang tatlo.
Nanawagan din ang mga ito sa publiko na agad na ipag-bigay alam sa kanila sakaling mamataan ang mga ito o ang kanilang sinakyang bangka.




