TUGUEGARAO CITY-Namatay habang ginagamot sa pagamutan ang isang lalaki matapos maibangga ang sinasakyang motorsiklo sa sinusundang motorsiklo rin sa bayan ng Enrile, Cagayan.

Kinilala ang biktima na si Cris Paul Lagundi, 29-anyos, magsasaka ng Brgy. Inga habang ang sugatan na lulan ng isa pang motorsiklo ay si Jayvee Soriano, 18-anyos ng Brgy. Lanna sa nasabing bayan.

Ayon kay Police Corporal Arwin Bago, imbestigador ng kaso, magkasunod na tinatahak ng dalawa ang kahabaan ng Brgy. Alibago lulan ng kanila-kanilang motorsiklo nang magsignal light si Soriano papunta sa kabilang linya ng kalsada.

Hindi naman napansin ni Lagundi ang motorsiklong papunta sa kabilang linya at biglang nag-overtake na sanhi ng pagkabangga.

Dahil dito, tumilapon si Lagundi at tumama ang kanyang ulo sa motorsiklo na dahilan ng pagtamo ng matinding sugat habang maswerte namang galos lamang ang tinamong sugat ni Soriano.

-- ADVERTISEMENT --

Bagamat nadala pa sa pagamutan ni Lagundi, binawian din siya ng buhay dahil sa malubhang tinamong sugat habang agad namang nakalabas sa pagamutan si Soriano.

Nabatid na walang suot na helmet ang dalawa at nasa impluwensya ng nakalalasing na inumin si Lagundi nang mangyari ang insidente.

Sa ngayon, sinabi ni Bago na patuloy ang kanilang imbestigasyon para mabatid ang tunay na pangyayari sa naturang aksidente.