Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Omnibus Election Code ang isang magsasaka matapos magbenta at makumpiskahan ng mga baril at bala sa Brgy. Calillauan, Solana, Cagayan.
Sa panayam kay PCAPT Isabelita Gano, tagapagsalita ng Cagayan PNP, naglunsad ng buy bust operation ang pulisya kung saan isang operatiba ng PNP ang nagpanggap na buyer ng baril mula sa suspek na isang 45 anyos na lalaking magsasaka.
Aniya, isang hindi lisensyadong caliber 45 na may siyam na bala ang nabili ng nagpanggap na buyer sa halagang P30k.
Nang magka-abutan na ay dito na aniya nila hinuli ang suspek at ng kapkapan at binuksan ang kanyang bag ay nakita naman ang dala nitong lisensyadong Caliber 9mm na may 15 bala at 11 bala ng caliber 38
Samantala, inihayag ni Gano na mula Enero hanggang Marso ay nakapaglunsad na ang PNP Cagayan ng 21 operasyon na nagresulta sa pagkaka-aresto ng 24 na katao at pagkaka kumpiska ng 19 na iba’t-ibang baril, 77 mga bala at anim na bladed weapon.