Umabot na sa mahigit 100,000 pasahero ang naitala ng Philippine Coast Guard (PCG) na bumiyahe sa iba’t ibang pantalan sa buong bansa ilang oras bago sumapit ang Bagong Taon.

Ayon sa PCG, mula alas-12 ng tanghali hanggang alas-6 ng gabi noong Miyerkules, kabuuang 108,057 pasahero ang kanilang namonitor. Sa bilang na ito, 54,221 ang outbound o paalis, habang 53,836 naman ang inbound o dumarating na mga biyahero.

Bukod sa pagmamanman ng dami ng pasahero, nagsagawa rin ang PCG ng masusing inspeksyon sa 502 sasakyang-pandagat at 794 motorbanca upang matiyak ang kaligtasan ng mga manlalakbay.

Pahayag ng ahensya, nakataas sa heightened alert ang lahat ng distrito, istasyon, at sub-station ng PCG mula Disyembre 20, 2025 hanggang Enero 4, 2026, bilang paghahanda sa inaasahang dagsa ng mga biyaherong uuwi at babalik para sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.

Samantala, upang masiguro ang kaayusan at kaligtasan ng publiko, pinalakas din ng Philippine National Police (PNP) ang presensya ng mga pulis sa mga pangunahing kalsada at terminal ng transportasyon sa buong bansa. Umabot sa 56,785 pulis ang idineploy, kabilang ang 11,129 pulis na nakatalaga sa mga motorist assistance hub upang tumulong sa mga biyahero.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy namang hinihikayat ng mga awtoridad ang publiko na maging maingat at sumunod sa mga alituntunin sa paglalakbay ngayong holiday season.