TUGUEGARAO CITY-Nakatanggap ng pangkabuhayan package ang mga miembro ng katutubong agta sa bayan ng Gonzaga sa ilalim ng proyektong ‘Kabuhayan at Kaunlaran ng Kababayang Katutubo’ o 4Ks ng Department of Agriculture (DA)Region 2.
Ayon kay Paul Vincent Balao ng DA-region 2, ang proyektong 4Ks ay may layuning mabigyan ng pangkabuhayan ang mga katutubo mula sa malalayong lugar sa Pilipinas.
Aniya, mula sa dalawang barangay na kinabibilangan ng Brgy. Sta. Clara at Cabiraoan ang mga katutubong agtas ang naabutan ng tulong na mayroong mahigit 100 na pamilya.
Ang dalawang tribo ay tumanggap ng mga agricultural interventions tulad ng dalawang kalabaw, tig-200 native chicken at muscovy duck, 50 Hybrid yellow corn seeds , 50 units ng jabber planter, 36 bags ng commercial poultry grower feeds, 248 organic fertilizer,180 bags ng inorganic fertilizer at iba’t-ibang seedlings kung saan nagkakahalaga ng mahigit P1.3M ang kabuuang halaga ng nasabing tulong.
Sinabi ni Balao na bago nila ipinamahagi ang mga nasabing tulong ay dumaan sa pagsasanay ang mga benipisaryo para mapalago nila ang kanilang mga tinanggap at magkaroon ng stable na pagkakakitaan.
Nahanda naman ang ahensya na tumulong para mailapit sa ibang stakeholders ang kanilang produkto upang maibenta ng maayos at sa tamang halaga.
Ang naturang proyekto ay ipagpapatuloy sa iba pang lugar sa rehiyon para matulungan ang mga katutubong agta.
Kaugnay nito, labis ang pasasalamat ng mga katutubo dahil malaki itong tulong lalo na ngayong panahon ng pandemic.