
Mahigit 1,000 residente ang inilikas sa Cagayan Valley bilang paghahanda sa posibleng landfall ng Super Typhoon Uwan sa probinsya ng Aurora.
Ayon sa tala ng Office of Civil Defense (OCD) Region 2, 359 pamilya o 1,147 indibidwal mula sa 27 barangay ang preemptively na inilikas. Patuloy pa rin ang pagtanggap ng mga ulat mula sa iba pang lokal na pamahalaan kaya inaasahan ang pagtaas ng bilang ng mga inilikas.
Ang mga inilikas ay mula sa mga bayan ng Divilacan, Palanan, Maconacon, Echague, Ilagan City, Benito Soliven, at San Mateo sa Isabela; Alcala, Baggao, Lal-lo, at Peñablanca sa Cagayan; at Aglipay sa Quirino.
Nakakaranas ngayon ng ng maulap at maulang panahon ang ilang bahagi ng rehiyon, habang nararamdaman ang malakas na hangin sa Nueva Vizcaya, Isabela, Quirino, at Cagayan.
Ayon sa weather bureau, posibleng maglandfall si Uwan sa Aurora sa Linggo ng gabi o sa Lunes ng umaga.
Patuloy ang paghahanda ng mga lokal na pamahalaan at ahensya ng disaster response upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente sa harap ng paparating na bagyo.










