Mahigit 130 na baboy ang sabay-sabay na ni-letson kasabay ng 3rd Agri-Fiesta ng bayan ng Buguey, Cagayan.
Nilagyan ng Mangrove crabs ang loob ng letsong baboy kaya tinawag itong MC Butchoy o Mangrove Crab Buguey Letchon.
Ayon kay Mayor Lecerio “Cerry” Antiporda III ng Buguey na umabot sa P650,000 ang halaga ng mga ni-letson na baboy na binili sa 30 barangay na tinutulungan ng local government unit sa ilalim ng hog production program nito.
Matapos ang letson parade, ipinatikim ito sa mga dumalo sa festival na may temang “Seguridad ti Taraon ken Pagsapulan, Babaen iti Agtaginayun a Panagmula ken Panagtaraken.”
Tampok din sa festival ang kakanin at pinakbet kung saan nagkaroon ng pinakbet cooking contest.
Binigyang diin ni Antiporda na hindi lamang pasasalamat at kasiyahan ang pakay ng aktibidad bagkus target nito na palakasin ang sektor ng pagsasaka at pangingisda na siyang pangunahing pangkabuhayan ng mga mamamayan.
Sa katunayan ay iginawad ng Department of Agriculture o DA Region 2 ang nahingi ng alkalde na pondo na umaabot sa P10 milyong piso para sa swine breeding at production facility upang palakasin ang industriya ng pagbababoy hindi lamang sa Buguey kungdi sa buong probinsiya na apektado ng African Swine Fever o ASF.