
Umaabot na sa 4,049 na pamilya na may 13,135 na indibiduwal ang apektado ng pagbaha dulot ng pag-uulan na naranasan sa probinsiya na sanhi ng Shear Line.
Sa monitoring ng Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) hanggang kahapon, 50 barangay mula sa siyam na bayan sa lalawigan ang apektado ng pagtaas ng lebel ng tubig.
Mula sa nasabing bilang, 688 pamilya na binubuo ng 2,429 indibidwal ang nasa evacuation center habang ang iba ay lumikas sa kanilang mga kapitbahay at kaanak.
Ilang kalsada at tulay din ang hindi pa rin madaanan dahil sa pagbaha at landslide.
Nagkansela naman ng pasok sa eskwelahan ang ilang munisipalidad dahil pa rin sa epekto ng pagbaha.
Sa ngayon ay unti-unting bumababa ang lebel ng tubig sa ilog Cagayan dito sa lungsod ng Tuguegarao ngunit marami pa ring lugar ang lubog sa tubig baha dahil pababa sa downstream area ang tubig baha.










