Tinanggal sa serbisyo ng Philippine National Police (PNP) ang 1,288 dahil sa misconduct nitong nakalipas na taon.

Sa statement, sinabi ng PNP na may naresolba sila na 3,611 na kaso laban sa mga pulis mula April 1,2024 hanggang April 23,2025.

Nagresulta din ang mga kaso sa 172 demotions, 1,456 suspensions, at sanctions tulad ng forfeiture sa kanilang sahod, restrictions, at reprimands.

Ayon sa PNP, ang mga nasabing hakbang ay patunay sa commitment ng law enforcement agency na panatilihin ang disiplina at itaguyod ang tiwala ng mga mamamayan.

Ang statement ng PNP ay kasunod ng pagkakasangkot ng ilang pulis sa umano’y paglabag sa law enforcement rules sa mga insidente sa buwan ng Abril.

-- ADVERTISEMENT --

Kabilang dito ang pagsibak sa buong District District Special Operations Unit (DSOU) ng Eastern Police District (EPD), kabilang ang director dahil sa alegasyon ng extortion may kaugnayan sa pag-aresto sa dalawang Chinese nationas sa Parañaque City noong April 2.

Noong April 12, isinailalim sa restrictive custody ng apat na pulis ng Quezon City Police District (QCPD) dahil sa kabiguan na i-report ang bag na naglalaman ng marijuana na nadiskubre sa operasyon sa Barangay Holy Spirit.

Nananatiling at large ang anim na pulis na sangkot sa nasabing operasyon.

Nag-viral naman sa social media ang video noong April 21 na nagpapakita sa isang pulis ng QCPD, na umano’y lasing, ang pumasok sa tatlong bahay sa Barangay Damayan at sinaktan ang isang lola at isang menor de edad.

Hinuli naman ang pitong pulis nitong nakalipas na araw ng Huwebes dahil sa pangingikil sa isang Chinese businessman sa isang checkpoint sa Parañaque City.