
Mahigit 30 indibidwal na ang nakasuhan at nakulong kaugnay ng malawakang korapsyon sa flood control at iba pang infrastructure projects sa bansa mula nang mabunyag ang isyu sa 2025 State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon, nauunawaan ng pamahalaan ang sentimyento ng publiko hinggil sa mga ulat ng korapsyon, ngunit kinakailangan umano ang masusing case build-up upang matiyak na matibay ang mga isasampang kaso.
Kabilang sa mga kinasuhan at naaresto ang ilang mambabatas, opisyal ng DPWH, district engineers, contractors, at maging dating kalihim ng ahensya.
Giit ng kalihim, hindi madali ang proseso ng imbestigasyon kaya tinitiyak ng pamahalaan na hindi mababasura ang mga kasong inihahain sa korte.
Ilan sa mga personalidad na nabanggit sa ulat ay sina Curlee at Sara Discaya, Sen. Jinggoy Estrada, at dating Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr.
Tiniyak ng DPWH na nagpapatuloy ang masusing pagsusuri sa mga proyektong may umano’y iregularidad at inaasahang madaragdagan pa ang bilang ng mga kakasuhan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon at referral sa Office of the Ombudsman.










