Tinangay ng mga kawatan ang mahigit 30 laptop na ibinigay ng Department of Education sa isang paaralan sa Sta. Ana, Manila.
Laking gulat ng mga guro nang bumungad sa kanila ang sirang pinto at charge cart cabinet nang magbalik-eskuwela sila nitong Martes matapos ang pananalasa ng nagdang Habagat at ilang bagyo nitong nakalipas na linggo.
Ayon sa mga guro, pinasok ng mga magnanakaw ang senior high school faculty at kinuha ang mga gadget sa loob nito.
Ang utak umano ng panloloob ay dalawang binatilyo na edad 15 at 17.
Ayon sa pulisya, ang tinangay na mga laptop ay nagkakahalaga ng P1.2 million.
Agad namang nahuli sa follow-up operation ang dalawang binatilyo kasama ang tatlo pang lalaki na kanilang mga kasabwat.
Sila umano ang nagsilbing ahente na nagbenta sa mga laptop sa halagang P1,000 hanggang P2,000 ang bawat isa.
Subalit pitong laptop na lamang ang narekober ng mga pulis.
Tinitingnan ngayon ng mga awtoridad ang anggulo na inside job dahil alam ng mga suspek kung anong kwarto ang papasukin nila.
Aminado naman ang tatlong suspek sa krimen pero iginiit na ang dalawang menor de edad ang mastermind.
Nahaharap sila ngayon sa reklamong robbery habang dadalhin sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development ang dalawang menor de edad.