
Inanunsyo ni Energy Secretary Sharon Garin ang pagdating ng mahigit 300,000 bariles ng diesel na in-order ng pamahalaan ng Pilipinas upang palakasin ang reserbang suplay ng langis ng bansa sa gitna ng nagpapatuloy na krisis sa Middle East.
Ayon kay Garin, ang shipment ng Philippine National Oil Company–Exploration Corp. (PNOC-EC) mula Malaysia ay may kabuuang 329,000 bariles, o higit 52 milyong litro ng diesel.
Ang naturang suplay ay bahagi ng hakbang ng pamahalaan na mag-imbak ng gasolina habang hindi pa natatapos ang digmaan sa Middle East.
Ang kargamento ay bahagi rin ng kabuuang 900,000 bariles ng diesel na inaasahang darating sa bansa ngayong Abril, na ihahatid sa tatlong batch na tig-300,000 bariles.
Ang susunod na dalawang batch ay inaasahang darating sa ikalawa at ikatlong linggo ng buwan.
Ang ikalawang batch ay manggagaling sa North Asia o India, habang ang huling batch ay bibilhin mula sa Oman.
Ang 900,000 bariles ng diesel na inorder ng pamahalaan ay bahagi rin ng mas malaking order na 1.042 milyong bariles, kung saan 142,000 bariles ang dumating mula Japan noong Marso 26.
Noong Abril 3, sinabi ng Department of Energy (DOE) na ang bansa ay may 75.052 milyong litro ng suplay ng langis na inaasahang tatagal ng 50 araw.
Sa kasalukuyan, may 2.516 milyong litro ng diesel ang bansa, na katumbas ng humigit-kumulang 47.26 araw na suplay.








