Patay ang nasa 32 katao matapos ang malakas na lindol sa Tibet Region sa China at maraming mga gusali ang gumuho kaninang umaga.
Tumama ang lindol na magnitude 6.8 sa Dingri county malapit sa border na Nepal, ayon sa China Earthquake Networks Center.
Ayon naman sa ulat ng US Geological Survey, magnitude 7.1 ang lindol.
Sinabi ng isang opisyal ng Nepal na hindi pa nila alam ang lawak ng pinsala ng nasabing lindol.
Ang Nepal ay matatagpuan sa major geological fault line kung saan itinutulak ang Indian tectonic plate sa Eurasian plate, na bumubuo sa Himalayas, at madalas ang mga pagyanig.
Matatandaan na noong 2015, halos 9,000 katao ang namatay at mahigit 22,000 ang nasugatan matapos ang 7.8 magnitude na lindol sa Nepal at halos kalahating milyon na kabahayan ang nasira.