Walang records ang Philippine Statistics Authority (PSA) sa mahigit 400 na pangalan sa acknowledgment receipts para sa confidential fund ng Department of Education.
Ito ang isiniwalat ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua sa kanyang opening speech na ika-walong pagdinig ng House committee on good government and public accountability, na nagsasagawa ng imbestigasyon sa alegasyon ng iregularidad sa paggasta sa public funds sa DepEd at sa Office of the Vice President sa ilalim ni Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni Chua na sumulat sila upang isumite ang 677 na pangalan na nakalagay sa acknowledgement receipt ng DepEd, kung saan binigyan sila ng tugon ng PSA kahapon.
Ayon kay Chua, sinabi ng PSA na sa nasabing bilang, 405 ang walang birth certificate o walang record ng birth certificate o puwede na sabihin na nonexistent ang mga ito.
Una rito, naglabas ng dokumento si Chua na may pangalan na Mary Grace Piattos na walang record sa PSA.
Sa certification mula sa inilabas ng PSA noong November 25, kinumpirma ng ahensiya na may “negative record” ng birth, marriage, at death ng isang Mary Grace Piattos.
Isa si Piattos sa acknowledgment receipts na nakatanggap ng confidential fund mula sa tanggapan ni Duterte.