Umabot na sa 566 household-beneficiaries ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa Cagayan Valley ang umalis na o naka-graduate na sa programa matapos na mapabilang sa self-sufficiency status ngayong 2025.
Ayon kay Mitgchelle Gayagoy, 4Ps Information Officer ng DSWD-RO2, kinilala ang mga nasabing 4Ps graduates sa graduation at exit ceremonies sa ibat ibang bayan sa rehiyon sa pakikipagtulungan ng mga local government units.
Ang mga household-beneficiaries na nag-exit na sa programa ay mula sa bayan ng Angadanan, Isabela na mayroong 240 at Echague sa 220; Bagabag, Nueva Vizcaya sa 45 at sa Aritao ay 12 habang sa Piat, Cagayan ay 19; Alcala sa 10 at Sanchez Mira na mayroong 20.
Aniya, may kakayahan na ang naturang mga benepisyaryo na tugunan ang lahat ng kanilang mga pangangailangan, kasama na ang pangangailangan ng kanilang mga anak sa pag-aaral at maging sa kalusugan.
Ang mga ito ay opisyal na inendorso sa mga LGUs na kanilang nasasakupan upang mapanatili na mapabuti ang kanilang kalagayan at ma-monitor ang kanilang pamumuhay.
Kasabay ng graduation, binigyan rin ng pagkilala ang nasa 30 college graduate na anak ng mga benepisaryo habang namahagi rin ng livelihood assistance ang ilang LGUs.
Sa ngayon ay nasa kabuuang 121,397 households ang benepisaryo ng 4Ps sa Cagayan Valley.