Inihayag ng Philippine National Police na nakatuon ang organisasyon na tulungan ang pamahalaan sa paglaban sa pagpapakalat ng mga maling impormasyon sa gitna ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis.

Binigyang-diin ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na isang seryosong usapin ang sitwasyon sa Middle East at ang anomang pagtatangkang gamitin ito para magpakalat ng mga maling impormasyon ay kanilang aaksyonan.

Idinagdag niya na hahabulin at papanagutin ang sinumang responsable sa pagpapakalat ng pekeng impormasyon.

Saklaw ng mga hakbang ng PNP ang mga ulat na sinadyang magbigay ng maling impormasyon tungkol sa suplay ng langis at epekto nito sa ekonomiya, na maaaring magdulot ng hindi kinakailangang panic.

Inutusan ang Anti-Cybercrime Group (ACG) ng PNP na palakasin ang pagbabantay sa mga social media page at account na ginagamit para sa disinformation.

-- ADVERTISEMENT --

Ginagamit na rin ng mga lokal na police unit ang kanilang social media accounts upang kontrahin ang fake news.

Sinabi ni Nartatez na magsasampa sila ng kaso laban sa sinumang mahuhuling nagpapakalat ng disinformation.

Noong Linggo, nagbabala ang Presidential Communications Office sa publiko laban sa pagpapakalat ng pekeng balita tungkol sa seguridad ng enerhiya, suplay, o presyo, lalo na’t tumataas ang presyo ng gasolina dahil sa hidwaan sa Middle East.

Ipinunto niya na ang pagpapalathala ng pekeng balita ay maaaring magresulta sa hanggang anim na buwang pagkakakulong sa ilalim ng Article 154 ng Revised Penal Code, at kung ginawa ito online, doble ang parusa ayon sa Cybercrime Prevention Act.

Tutulungan naman ng Department of Justice ang PCO sa pagsampa ng kaso laban sa mga indibidwal na nagpapakalat ng fake news tungkol sa seguridad ng enerhiya.