CPIO

Aabot sa mahigit 500 biik na nagkakahalaga ng mahigit P4 milyon ang ipinamahagi ng Department of Agriculture (DA) Region 2 sa sampung bayan sa lalawigan ng Cagayan na naapektuhan ng African Swine Fever.

Nakatanggap ng tig-tatlo mula sa kabuuang 424 na aalagaing baboy ang nasa 140 magbababoy mula sa mga unang nabigyan ng sentinel pigs sa bayan ng Alcala, Amulung, Solana, Tuao, Baggao at Piat sa ilalim ng repopulation program na nakapaloob sa P21 milyon na pondo.

Habang 80 benepisaryo naman mula sa bayan ng Lal-lo, Enrile, Iguig, at Gonzaga ang nabigyan ng tig-isang sentinel pigs sa ilalim ng sentinelling program na nakapaloob sa P75 milyon na inilaang pondo ng ahensya para sa 2nd wave ng ayuda.

Ayon kay Dr. Bryan Sibayan, livestock program focal person ng DA-RO2 na ang mga lugar na nabigyan ng tulong ay wala ng naitalang kaso ng African Swine Fever dahilan upang mapabilang ang mga ito sa programa sa layuning buhayin at palakasin muli ang industriya ng pagbababuyan.

Maliban sa mga baboy, binigyan din ang bawat receipient ng feeds at vitamins para sa kanilang mga alaga.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, oobserbahan ang kalagayan ng mga naipamahaging biik at isasailalim sa mga pagsusuri.

Sakaling mag-negatibo o matiyak na ligtas ang mga ito sa sakit na ASF, maaari na silang magparami muli ng mga alagang baboy.

Sa ngayon ay nagkaroon ng environment swabbing sa iba pang mga bayan sa lalawigan na walang kaso ng ASF para sa bagong mabebenepisyuhan sa susunod na pamimigay ng piglets.