
Tinatayang mahigit 50,000 indibidwal sa Cagayan Valley ang wala pang birth certificate batay sa datos ng 2024 Census of Population.
Ayon kay PSA Region 2 Regional Director Engineer Girme Bayucan, patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at municipal civil registrars upang matulungan ang mga hindi pa naipaparehistro ang kanilang kapanganakan.
Sinabi ni Bayucan na sa ilalim ng Birth Registration Assistance Project, tinutulungan ang mga walang kakayahang mag-asikaso ng kanilang mga dokumento, kabilang ang mga nakatira sa malalayong lugar.
Binigyang-diin niyang tuloy-tuloy ang programa hanggang 2030 at libre ang pagkuha ng birth certificate para sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Target naman ng PSA na pagsapit ng 2030 ay lahat ng residente sa Region 2 ay mayroon nang birth certificate.
Pinaalalahanan din ni Bayucan ang publiko na huwag magparehistro muli kung mayroon nang birth certificate na may maling detalye, bagkus ay dumulog sa municipal civil registrar upang maitama ang mga impormasyon.










