Mahigit 5,300 bagong na-promote at na-reclassify na mga guro at school heads sa Camarines Sur ang nanumpa sa ilalim ng Expanded Career Progression System ng Department of Education. Pinangunahan ni Department of Education Secretary Sonny Angara ang mass oath-taking ng 5,354 educator sa Camarines Sur Freedom Sports Complex sa Pili bilang bahagi ng pagpapatupad ng programa na naglalayong mapabilis ang promosyon ng mga guro batay sa kanilang kakayahan, performance, at propesyonal na pamantayan.

Ayon kay Angara, bahagi ito ng layunin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mapabuti ang career development ng mga guro upang hindi na nila kailangang maghintay ng matagal na bakanteng posisyon bago maitaas ang kanilang ranggo. Sa ilalim ng programa, maaari nang umangat ang mga guro mula Teacher I hanggang Teacher VII, habang ang mga school principal ay maaari ring ma-promote sa mas mataas na antas.

Kasabay nito, pinarangalan din ni Angara ang 35 sa pinakamatagal nang nagseserbisyo na mga guro sa Camarines Sur at pinangunahan ang pamamahagi ng mga lapel microphone bilang bahagi ng programa ng DepEd upang mabawasan ang strain sa boses ng mga guro at mapahusay ang pagtuturo sa silid-aralan.