TUGUEGARAO CITY-Huli ang tatlong katao sa ikinasang anti-illegal drug buy-bust operation ng mga otoridad sa probinsiya ng Kalinga kung saan nasamsam ang mga pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng mahigit P5 milyon.

Kinilala ang mga suspek na sina Mercedes Macaiba, 43-anyos, magsasaka; Filbert Bagtang, 28-anyos, driver at Juluis Bagtang, 26 anyos, magsasaka na pawang residente sa Brgy. Lacnog, Tabuk City, Kalinga at mga newly identified drug suspect.

Sa pahayag ni Regional Director Joel Plaza ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Region 02, nagkaroon ng transaksyon ang mga otoridad sa mga suspek sa pamamagitan ng social media kung kaya’t ikinasa ang operasyon sa Brgy. Bulanao ng pinagsanib na pwersa ng PDEA at PNP mula sa Cagayan Valley at Cordillera.

Ayon kay Plaza, nahulian ng 31 bricks at 10 tubular ng pinaniniwalaang pinatuyong dahon ng marijuana na may bigat na 41 kilograms na mayroong kabuuang halaga na P5,040,000 at ang buy-bust money na nagkakahalaga ng P700,000.

Aniya, galing ang mga nahuling marijuana sa bayan ng Tinglayan kung saan nakailang marijuana eradication na rin ang ahensya simula noong Hunyo na nagresulta sa pagbunot at pagsunog ng nasa 675,000 na marijuana plants na nagkakahalaga ng P135 milyon.

-- ADVERTISEMENT --

Nabatid na may kinabibilangang grupo ang mga suspek na mayroong operasyon sa Regions 2, 3 at Metro Manila.

Hawak ngayon ng PDEA-Region 02 ang tatlong suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa R.A 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.with reports from Bombo Efren Reyes Jr.