
Mahigit 6,300 pulis ang ipakakalat sa paligid ng Senado bukas, Hulyo 6, bilang bahagi ng seguridad sa pagsisimula ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon sa Philippine National Police–National Capital Region Police Office (PNP-NCRPO), inaasahan ang pagdagsa ng mga raliyista sa harap ng Senado at may isang grupo ring planong magsagawa ng martsa patungo sa lugar.
Bagama’t wala pang naaprubahang permit para sa anumang protesta, sinabi ng pulisya na handa silang tumanggap ng mga aplikasyon at ipatutupad ang maximum tolerance sa mga kilos-protesta.
Una umanong paiiralin ang dayalogo at negosasyon sa mga demonstrador sa pamamagitan ng mga itinalagang negotiation team, habang nakaantabay ang mga public order units kung kinakailangan.
Hindi pa matukoy ng pulisya ang bilang ng mga inaasahang lalahok sa mga pagkilos.
Nakatakdang magsimula ang impeachment trial ni Duterte alas-2 ng hapon.
Pansamantala ring isasara ang ilang bahagi ng Diokno Boulevard sa Pasay City tuwing Lunes hanggang Miyerkules, mula alas-7 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi, upang bigyang-daan ang mahigpit na seguridad at traffic management sa paligid ng Senado.
Kasabay nito, pinaigting din ang seguridad sa Sandiganbayan at Office of the Ombudsman kasunod ng paghahain ng kasong plunder laban kay Senador Rodante Marcoleta.










