Inamin ni Vice President Sara Duterte na naging mahirap para sa kaniya ang pakikipagkuwentuhan sa ilang senador nang dumalo siya sa plenary deliberations ng panukalang 2027 budget ng Office of the Vice President (OVP) sa Senado.

Sa isang press conference, inilarawan ni Duterte bilang “painful small talk” ang naturang pakikisalamuha at sinabing bahagi umano ng nakasanayang gawain ng mga pulitiko ang pagpapanggap na mabait sa isa’t isa.

Ayon sa bise presidente, may ilang kaibigan at tagasuporta siyang hindi natuwa sa nakita nilang pakikipag-usap niya sa mga mambabatas noong Huwebes.

Gayunman, sinabi ni Duterte na wala siyang personal na problema rito dahil bahagi lamang ito ng kaniyang tungkulin upang matiyak ang pag-apruba sa pondong kailangan ng kaniyang tanggapan sa susunod na taon.

Dagdag pa niya, kinailangan niyang kausapin at pakalmahin ang ilang kaibigan at tagasuporta na hindi nagustuhan ang kaniyang naging pakikisalamuha sa mga senador.

-- ADVERTISEMENT --

Nagtungo si Duterte sa Senado para sa pagtalakay sa panukalang ₱785.2 milyong budget ng OVP para sa 2027, na mabilis na inaprubahan ng mga senador matapos walang magtanong o magsagawa ng interpellation.