TUGUEGARAO CITY-Umabot na sa 6,750 na face masks ang nagawa ng Technical education and Skills Development Authority (TESDA)-Region 2 na una ng naipamigay sa mga hospital at iba pang-frontline na unang tumutugon sa paglaban sa coronavirus disease (COVID-19).
Ayon kay Regional Director Demetrio Anduyan ng TESDA-Region 2,nabigyan ang mga Tesda training institutions sa rehiyon ng tig- dalawang libong pirasong face mask na quota ngunit dahil sa pagtaas ng demand ay ginawa na lamang nila ang nasabing bilnang na minimum.
Aniya, tuloy-tuloy ang kanilang paggawa para matugunan ang kakulangan ng face masks sa rehiyon lalo na’t may kumpirmadong positibo sa covid sa Tuguegarao.
Siniguro naman ni Anduyan na sapat ang kanilang mga raw materials maging ang mga tauhan na gagawa ng face masks dahil may mga ilang grupo din na nagpapaabot ng tulong.
Sa katunayan aniya, ilan sa mga graduate ng tailoring at dressmaking ay iniuwi ang ilan sa mga sewing machine sa kanilang mga tahanan para doon na lang gagawin ang pagtahi dahil limitado lamang ang maaring mamalagi sakanilang shop bilang pagtalima sa social distancing.
Samantala, bukod sa paggawa ng face masks,sinabi ng director na tuloy-tuloy din paggawa nila ng tinapay na kanilang ipinamamahagi sa personnel ng mga AFP, PNP maging ang mga barangay tanod na nagbabantay ng 24/7 sa mga checkpoint area.