TUGUEGARAO CITY-Mahigit pitong libong pamilya ang naapektuhan dahil sa naranasang pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa tuloy-tuloy na buhos ng ulan nitong nagdaang araw dito sa probinsya ng Cagayan.

Batay sa datos ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO)-Cagayan nasa kabuuang 7,088 na pamilya o katumbas ng 27,883 indibidwal na mula sa bayan ng Sanchez Mira, Claveria , Santa Praxedes, Abulug, Pamplona, Allacapan, Rizal at dito sa lungsod ng Tuguegarao ang apektado sa pagbaha at landslide.

Sa nabanggit na bilang, nasa 3,953 na pamilya o katumbas ng 14,435 na katao ang lumikas sa mga evacuation centers ngunit sa ngayon ay tanging ang isang pamilya na lamang na binubuo ng dalawang katao sa lungsod ng Tuguegarao ang hindi pa nakakabalik sa kanilang tahanan.

Bukod dito, malaki rin ang iniwang pinsala sa agrikultura ang naranasang kalamidad kung saan mahigit P58 milyon ang nasirang palay, mahigit P4 milyon sa mais, mahigit isang milyong piso sa gulay at iba pang pananim habang mahigit limang milyon naman sa mga palaisdaan.