Naglalaman ng mga iligal na droga ang isang bag na lumulutang sa katubigan malapit sa Sabina Shoal sa West Philippine Sea noong araw ng Sabado.
Ayon sa Philippine Navy, may natanggap na impormasyon ang Maritime Civilian Armed Forces Geographical Unit Active Auxiliary Unit–West (MCAAU-W) noong gabi ng Biyernes tungkol sa itim na bag na pinaniwalaan na naglalaman ng high-grade marijuana.
Nakipag-ugnayan ang MCAAU-W sa Western Naval Command ng Philippine Navy, na inutusan naman ang BRP Lolinato To-Ong na pumunta sa lugar.
Nakita ng BRP Lolinato To-Ong at MCAAU-W ang kahinahinala na bag at nakuha nila ito ng umaga ng Sabado.
Ipinasakamay ang bag at mga laman nito ng Philippine Navy at personnel mula sa Provincial Intelligence Unit (PIU) ng Palawan Police Provincial Office (PPO) sa Philippine Drug Enforcement Agency-Palawan sa pier sa Puerto Princesa City kahapon para sa ebalwasyon at tamang disposisyon.
Ayon sa PDEA, naglalaman ang itim na bag ng 32 plastic bags na may nakasilid na nasa 16 kilos ng pinaghihinalaang high-grade marijuana kush, na tinatayang nagkakahalaga ng P19.2 million.
Isinasailalim pa ang nasabing iligal na droga sa ebalwasyon.