Huli ang tatlong lalaki sa pagbibiyahe ng marijuana bricks kahapon sa Purok, 5, Bulanao, Tabuk City, Kalinga.
Ayon sa PNP Kalinga, ang tatlo ay bagong tukoy na drug personalities, kung saan ang dalawa ay mula sa Bulacan habang angisa ay tubong Buscalan, Tinglayan, Kalinga.
Sinubaybayan ang tatlo bago isinagawa ng mga awtoridad ang operasyon upang matiyak na hindi makakalusot ang mga suspect.
Nakuha sa mga pinaghihinalaan ang 192 bricks ng pinaghihinalaang dried marijuana leaves at mga tangkay na nakabalot sa transparent packing tape sa loob ng isang sako.
May timbang ang mga ito na 192,000 grams na nagkakahalaga ng mahigit P23 million at isang maliit na transparent cellphone na naglalaman ng pulverized dried marijuana leaves na may timbang na 5 grams at nagkakahalaga ng P600.
Nakuha rin sa mga ito ang iba’t ibang cellphone, mga motorsiklo at mga susi.
Kaugnay nito, binati ni PCOL Gilbert Fati-ig, director ng PNP Kalinga ang mga operatiba sa matagumpay na operasyon.
Mahaharap ang tatlong lalaki ng kasong illegal transport of prohibited drugs sa ilalim ng Republic Act 9165 or the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.