Tinutugis na ng mga pulis ng Manila Police District (MPD) ang dalawang lalaki na sakay ng motoriklo na nangholdap sa may-ari ng pansitan sa Sampaloc, Maynila.
Mahigit P240,000 halaga ng alahas ng 59-anyos na negosyante ang natangay ng mga suspek.
Nauna rito, bumaba ang apat na lalaki sakay ng dalawang motorsiklo sa tapat ng tindahan ng pansit pasado alas-7 ng gabi ng Huwebes.
Naglabas ng baril ang mga suspek na dahilan para magtakbuhan ang mga tao dahil sa takot nang magdeklara ng hold-up ang mga suspek.
Nagawa pang makipambuno ang biktima sa dalawang suspek habang nakatutok sa kanya ang baril.
Ayon sa biktima, siya talaga ang pakay ng mga suspek dahil sa mga suot nitong kwintas at bracelet.
Maliban sa biktima, wala nang ibang naholdap o nasaktan sa insidente.
Aminado naman ang barangay na nakakasakop sa pwesto ng biktima na may mga tauhan silang nagroronda ngunit wala silang kapasidad sa mga armas ng mga suspek.
Katatapos lang din umano ang pag-iikot ng mga pulis nang sumalisi ang mga holdaper.