Aabot sa 12 pirasong kahoy ng Narra na tinatayang 225 board feet at nagkakahalaga ng P31,500 ang narekober ng pulisya sa isinagawang anti-illegal logging operation sa bulubunduking bahagi ng Lal-lo, Cagayan.

Sa naturang operasyon, nadatnan ng pulisya ang dalawang kalalakihan na kasalukuyan sa pamumutol ng mga kahoy ng narra gamit ang chainsaw ngunit walang maipakitang kaukulang mga dokumento.

Agad na inaresto ang isa sa dalawang suspek na kinilalang si Alyas June, 55-anyos, at residente sa Brgy. Jurisdiction sa naturang bayan.

Ang isa namang suspek na kinilalang si Alyas Berto, 25-anyos na residente rin sa nasabing lugar ay kasalukuyang tinutugis matapos tumakas nang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya.

Kinumpiska ng mga pulis ang mga nahuling ebidensya kabilang ang ginamit na chainsaw habang inaresto naman si Alyas June na ngayon ay nahaharap sa kasong paglabag sa PD 705 o Forestry Reform Code of the Philippines kasama ang tumakas nitong kasamahan.

-- ADVERTISEMENT --