TUGUEGARAO CITY- Nagpapatuloy ang hot pursuit operation ng mga otoridad laban sa tumakas na driver ng isang sasakyan na may lulang P37.3 milyon na halaga ng marijuana sa checkpoint sa Barangay Lacnog, Tabuk City, Kalinga.

Ayon kay P/Col. Davy Vicente Limmong, Provincial Director ng Kalinga PNP, agad inilatag ang checkpoint matapos matanggap ang impormasyon kaugnay sa pagpupuslit ng marijuana ng suspek na kinilalang si Sabado Guimba ng Brgy Loccong, Tinglayan.

Subalit nang makarating sa PNP checkpoint ang itim na Mitsubishi Adventure na minamaneho ng suspek ay agad itong lumiko sa irrigation area at umiwas, dahilan upang habulin siya ng operatiba hanggang sa bumaba at iniwan nito ang kanyang sasakyan at tumakas.

Sa paghahalughog ng mga otoridad sa loob ng sasakyan ng suspek ay tumambad sa kanila ang walong sako na naglalaman ng 311 marijuana bricks na tumitimbang ng 311 kilos at tinatayang aabot sa halagang P37, 320, 000.