
Umabot na sa ₱5.82 bilyon ang naipamahaging pondo ng Pag-IBIG Fund sa 803,769 benepisyaryo sa ilalim ng Special Assistance for Financial Emergencies (SAFE) Loan, ilang linggo lamang matapos itong ilunsad noong Hunyo.
Ayon kay Human Settlements and Urban Development Secretary Jose Ramon P. Aliling, na siya ring chairman ng Pag-IBIG Fund Board of Trustees, layunin ng programa na magbigay ng agarang at abot-kayang tulong pinansyal sa mga miyembro na apektado ng patuloy na tensyon sa Gitnang Silangan. Dagdag niya, tugon din ito sa panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na palawakin ang ayuda ng pamahalaan para sa mga Pilipinong nangangailangan.
Maaaring makahiram ng hanggang ₱10,000 o hanggang 90% ng kabuuang Regular Savings ang aktibong miyembro ng Pag-IBIG na may hindi bababa sa 12 buwang hulog at walang hindi nababayarang Pag-IBIG loan. May 5.95% interest kada taon ang pautang na maaaring bayaran sa loob ng 12, 24 o 36 buwan, kasama ang tatlong buwang palugit bago magsimula ang pagbabayad.
Maaaring mag-apply ang mga kwalipikadong miyembro sa pamamagitan ng Virtual Pag-IBIG gamit ang accomplished application form, valid ID, at selfie habang hawak ang ID. Tatanggap ng aplikasyon ang programa hanggang Setyembre 8, ayon kay Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene Acosta, na nagsabing patuloy ding magbibigay ang ahensya ng abot-kayang pautang sa pabahay para sa mga miyembro.










