TUGUEGARAO CITY-Mahigit P61 milyon ang halaga ng sinira at sinunog na marijuana sa Tinglayan, Kalinga mula sa tatlong araw na operasyon ng PNP katuwang ang Philippine drug enforcement Agency (PDEA) CAR, Region 1 at 2.
Ayon kay P/Col Davy Vicente Limmong, Provincial Director ng Kalinga Police Provincial Office(KPPO), Hunyo 22, 2020 nang umpisahan ang operasyon at natapos nitong araw ng Miyerkules, Hunyo 24,2020 kung saan umabot sa 308,150 fully grown marijuana plant na nagkakahalaga ng P61,630,000 ang kanilang sinira sa Barangay Buscalan at Loccong sa nasabing bayan.
Aniya, may lawak 22,050 square meters ang kanilang sinirang plantation sa mga nasabing barangay.
Sinabi ni Col Limmong na gumamit pa ang kanilang grupo ng drone dahil matarik ang lugar at para makita kung may mga tanim na marijuana sa mga lugar na malapit sa kanilang kinaroroon.
Bagamat, bigo ang kanilang grupo na mahuli ang mga cultivators, isang bahay ang kanilang nakita sa tuktok ng bundok na pinaniniwalaang tinitirhan ng mga nag-aalaga ng pananim na marijuana.
Dagdag pa ng opisyal na may nakita rin sila na mga gulay na naihalong nakatanim sa mga marijuana plant.