Tinayang umaabot sa mahigit P7 million ang halaga ng nasunog na mga classrooms at mga kagamitan sa voting center sa Dangdangla Elementary School sa Bangued, Abra kahapon ng madaling araw.

Sinabi ni PLCOL Daniel Pel-ey, information officer ng PNP Abra, batay sa pakikipag-ugnayan ng mga imbestigador sa mga guro sa nasabing eskwelahan, bukod sa mga silid-aralan, totally damaged din ang opisina ng principal at maraming mga kagamitan ang nasira.

Kaugnay nito, sinabi ni Pel-ey na hindi maituturing na election-related ang nasabing insidente dahil hindi ito pasok sa parameters, dahil sa gusali ang naapektohan at hindi isang opisyal ng Commission on Elections, isang kandidato o suppoter ang sangkot.

Sinabi ni Pel-ey na patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection sa sanhi ng sunog sa nasabing voting center.

Nabatid na dadalhin pa lamang sana sa nasabing voting center ang automated counting machines bago ang sunog.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, ipinagpaliban muna ang final testing and sealing (FTS) ng ACMs.

Sinabi naman ni COMELEC Chairman George Garcia na hindi niya pinagbigyan ang rekomendasyon ng election officer ng Bangued na ilipat ang voting center sa mas ligtas na lugar.

Ayon kay Garcia, magtatayo sila ng makeshift sa nasabing lugar, dahil may natira pa namang dalawang classrooms at iisang presinto lang ang naapektohan.

Batay sa datos ng Comelec, may kabuuang 35,227 registered voters ang Bangued, Abra