TUGUEGARAO CITY- Kumpirmadong cocaine ang laman ng tatlong boxes na nakitang palutang-lutang sa dagat sa pagitan ng Abulug at Ballesteros, Cagayan kahapon.

Sinabi ni Cristy Silvan, assistant regional director ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA Region 2 na nakita ng dalawang mangingisda mula sa bayan ng Aparri ang palutang-lutang na mga boxes at sa kanilang kuryusidad ay kumuha sila ng tatlo at ipanakita ito sa kapitan sa Barangay Punta.

Idinulog naman ito ng kapitan sa Regional Maritime Unit at muli silang nagtungo sa dagat matapos sabihin ng dalawang mangingisda na may naiwan pa na mga boxes, subalit wala ng nakita pa ang mga otoridad.

Dahil dito, gabi na ng ipasakamay ang mga ito sa Philippine Maritime Unit sa presensiya ng PDEA na agad din na dinala sa laboratoryo at lumabas sa pagsusuri na cocaine ang laman ng mga ito.

Sinabi ni Silvan na nagsasagawa pa ang mga otoridad ng malalimang imbestigasyon kung bago o matagal na ang nasabing cocaine sa dagat at kung saan galing ito matapos na may logo sa packaging na matutukoy sa Columbia.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon pa sa opisyal, mahigit P15m ang halaga ng mga nasabing cocaine.