Nasabat ng Bureau of Customs–Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) ang isang inbound parcel na naglalaman ng ilegal na droga na nagkakahalaga ng mahigit ₱480,000 noong Enero 16, 2026.

Ayon sa BOC, ang parcel ay idineklarang naglalaman ng mga accessories at kendi, ngunit isinailalim ito sa masusing pisikal na inspeksyon matapos magpakita ng kahina-hinalang indikasyon.

Sa pagsusuri, natuklasan ang humigit-kumulang 320 gramo ng pinatuyong marijuana o “kush” na may tinatayang street value na ₱480,000, gayundin ang walong vape cartridges na naglalaman ng cannabis oil na nagkakahalaga ng ₱400.

Isinagawa ang operasyon sa pakikipag-ugnayan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group.

Ipinasa na sa PDEA ang mga nakumpiskang ilegal na droga pati ang claimant para sa tamang disposisyon at pagsasagawa ng inquest proceedings kaugnay ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Customs Modernization and Tariff Act.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, pinatutunayan ng nasabing pagkakasabat ang patuloy na pagsisikap ng ahensya na pigilan ang pagpasok ng ilegal na droga sa bansa sa pamamagitan ng postal at courier channels.