Babalik sa House of Representatives ang Makabayan bloc sa Lunes, Enero 26, kasama ang mga complainant ng ikalawang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang pormal itong matanggap ng Office of the House Secretary General na pinamumunuan ni Cheloy Garafil.

Ayon kay ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, layon ng hakbang na matiyak na wala nang magiging dahilan para hindi tanggapin ang reklamo, kasunod ng pagbabalik umano ni Garafil sa trabaho.

Iginiit ng grupo na tigilan na ang umano’y delaying tactics at igalang ang panawagan ng Konstitusyon para sa pananagutan.

Target ng Makabayan bloc na maisama ang reklamo sa Order of Business sa pagbabalik ng sesyon ng Kamara sa Lunes ng hapon.

Noong nakaraang linggo, inihain na ng mga progresibong grupo ang impeachment complaint na nag-aakusa kay Marcos Jr. ng betrayal of public trust, ngunit hindi ito tinanggap dahil umano sa kawalan ng awtoridad ng tumanggap.

-- ADVERTISEMENT --

Giit ng mga complainant, itinuturing nang “deemed filed” ang reklamo kahit wala si Garafil, dahil hindi naman tahasang hinihingi ng Konstitusyon ang personal na pagtanggap ng secretary general.

Sumuporta rin si ML Party-list Rep. Leila de Lima sa paninindigan ng Makabayan bloc, at iginiit na walang sinuman sa Office of the Secretary General ang may kapangyarihang tumanggi sa isang beripikadong impeachment complaint na may endorsement ng mga mambabatas.