
Dumistansya ang Malacañang sa panibagong mga kasong inihain laban kay Vice President Sara Duterte sa Office of the Ombudsman.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, hindi ito napag-uusapan sa Palasyo.
Gayunman, buo ang tiwala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kakayahan ng Ombudsman na gampanan ang tungkulin nito.
Iginiit ni Castro na naninindigan ang Pangulo sa paghahanap ng katotohanan at kung may ebidensiya laban sa sinumang inaakusahan ng katiwalian, dapat itong imbestigahan.
Matatandaang nagsampa ng kasong plunder, malversation, at graft si dating Senador Antonio Trillanes IV at ang civil society group na The Silent Majority laban kay Vice President Duterte.
Batay sa reklamo, ang kaso ay may kaugnayan sa umano’y maling paggamit ng bilyon-bilyong pisong confidential funds at iba pang pondo ng bayan.
Kabilang rito ang P650-M confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) na sinasabi ng umano’y dating bagman ni Duterte na si Ramil Madriaga.
Kasama rin ang P2.7-B confidential funds mula sa Davao City noong panahon na alkalde pa ng lungsod si Sara, P8-B halaga ng overpriced laptops; higit P12-B umano’y unliquidated cash advances noong ito pa ay DepEd Secretary at hindi umano natupad na target na pagtatayo ng mga silid-aralan.
Kabilang din sa reklamo ang hindi idineklarang yaman at pagkakaroon ng P2-B deposits at iba pang assets sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net worth (SALN), at iba pang alegasyon ng katiwalian; bribery at corruption dahil umano sa pagtanggap ng pera mula sa drug lord noong panahon ng panunungkulan bilang Mayor ng Davao City at betrayal of public trust dahil sa dalawang insidente ng pagbabanta sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Una nang nasampahan ng impeachment complaint si Duterte dahil sa umano’y maling paggamit ng confidential funds sa OVP at DepEd.










