Hinamon ng Malacañang ang mga nagbibintang kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maglatag ng matibay na ebidensya sa halip na umasa lamang sa mga alegasyon.

Ito ay matapos ang naging testimonya sa Senado ni Bernard Tube, na nagpakilalang dating marine at umano’y dating empleyado ni Zaldy Co.

Sa pagdinig, sinabi ni Tube na minsan siyang nakasama sa pagdadala ng mga maletang umano’y may lamang pera patungo sa bahay ng pangulo sa Paoay, Ilocos Norte.

Ayon kay Palace Press Officer at PCO Undersecretary Claire Castro, hindi sapat ang mga paratang kung walang maipapakitang konkretong patunay upang suportahan ang mga ito.

Binigyang-diin ni Castro na madaling magbato ng akusasyon, lalo na kung layunin lamang nitong magdulot ng pagdududa o guluhin ang pamahalaan.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, hinikayat niya ang sinumang may impormasyon o reklamo na magsumite ng mga dokumento at iba pang ebidensyang maaaring magpatunay sa kanilang mga pahayag.

Iginiit ng Malacañang na mahalagang manaig ang katotohanan at due process sa pagtalakay ng anumang seryosong alegasyon laban sa sinumang opisyal ng pamahalaan.