
Ibabalik ng pamahalaan ang pondo para sa flood control projects sa proposed 2027 national budget matapos itong alisin noong nakaraang taon kasunod ng isyu ng umano’y korapsyon, ayon sa Malacañang.
Kinumpirma ni Palace Press Officer Claire Castro na maaaring maisama muli sa National Expenditure Program (NEP) ang mga flood mitigation projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH), depende sa pagsusuri kung ang mga ito ay lehitimo at kinakailangan.
Sinabi ng Palasyo na kasalukuyang nire-review ang mga naunang sinuspindeng proyekto upang matukoy kung dapat itong ipagpatuloy, lalo na ang mga naitala bilang ghost projects o may mga iregularidad.
Giit ng Malacañang, tanging mga proyektong maituturing na valid at kinakailangan para sa flood control ang bibigyan ng pondo.
Tiniyak din ng Palasyo na mas paiigtingin ang pagbabantay upang maiwasan ang anumang pag-uulit ng korapsyon sa mga proyekto, habang layunin ng gobyerno na mapalakas ang proteksyon ng mga komunidad laban sa pagbaha.









