
Mariing itinanggi ng Malacañang ang alegasyong sangkot si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa paggamit ng ilegal na droga, matapos ilahad ni Senadora Imee Marcos ang umano’y matagal nang isyu ng kaniyang kapatid sa pagharap sa substance abuse sa isang pagtitipon ng Iglesia ni Cristo sa Quirino Grandstand.
Ayon sa Presidential Communications Office, walang basehan ang mga akusasyon at malinaw na pag-atake sa integridad ng Pangulo.
Iginiit ng Palasyo na matagal nang napatunayan ng boluntaryong drug test bago ang 2022 halalan na negatibo ang Pangulo sa anumang ipinagbabawal na gamot.
Binigyang-diin ng Malacañang na hindi ito ang unang pagkakataong binabato ng senadora ang isyung may kaugnayan sa droga, at iniuugnay nila ito sa umano’y pagtatangkang ilihis ang usapan mula sa mga alegasyon ng katiwalian na pangunahing paksa ng naturang rally.
Pinuna rin ng Palasyo ang umano’y pagiging mapili ng senadora sa pagsasapubliko ng paratang, lalo na’t hindi raw nito tinuligsa ang ibang personalidad na umamin na dati nang gumamit ng ilang ipinagbabawal na substance.
Sa halip na maglabas ng mabibigat na akusasyon, hinikayat ng Malacañang si Senadora Marcos na makipagtulungan sa isinusulong na paglilinis sa pamahalaan.
Giit ng administrasyon, ang Pangulo mismo ang nagtataguyod ng kampanyang tutugon sa mga kontrobersiya at imbestigasyon, kabilang ang mga proyekto sa flood control na iniimbestigahan ngayon.










