
Tinuligsa ng Malacañang si dating presidential spokesperson Harry Roque matapos nitong punahin ang pagtakbo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa loob ng Malacañang compound upang ipakita na siya ay malusog.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro, walang masama sa pagtakbo at mas mainam umano ang pagtakbo para sa kalusugan kaysa pagtakbo mula sa batas. Giit din niya, dapat ay may maayos na paglalabas ng medical bulletin sa halip na magduda sa kalagayan ng Pangulo.
Binalikan din ng Malacañang ang mga naunang isyu ng transparency sa kalusugan ng mga nakaraang lider, kabilang ang mga pahayag mula sa kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nauna rito, hinamon ni Marcos ang mga nagpapakalat ng tsismis tungkol sa kanyang kalusugan na mag-ehersisyo kasama siya, at ipinakita pa ang ilang jumping jacks sa harap ng media upang patunayang maayos ang kanyang kondisyon.
Ayon naman sa Presidential Communications Office, ang pagdami ng disinformation sa social media tungkol sa kalusugan ng Pangulo ay bahagi ng tangkang destabilization laban sa pamahalaan.










