Kinondena ng Malacañang ang pagsisikap na isangkot si First Lady Liza Araneta-Marcos sa pagkamatay sa Estados Unidos ni Paolo Tantoco, executive ng Rustan noong buwan ng Marso.
Binigyang-diin ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na isang malaking kasinungalingan ang bahagi ng report ng Beverly Hills Deparment na ipinost sa Facebook.
Ang bahagi ng post ay tungkol sa “drug overdose” at ang mga kasama ng namatay ay ipinatawag para sa interogasyon.
Ayon sa kanya, kung mag-iimbestiga sa Beverly Hills Police Department, makikita na ang isang bahagi ng post ay idinagdag lamang.
Sinabi niya na ang mga salitang “‘and the cause of initially suspected to be drug overdose, up to the word ending in ‘Miro’ ang idinagdag sa post.
Ayon kay Castro, layunin nito na siraan ang Unang Ginang, ang Pangulo, at kanyang administrasyon para sa personal na interes.
Sinabi niya na nakakalungkot dahil ang mga pribadong tao na nagluluksa ay nadadamay sa pulitika.
Ayon sa kanya, hindi kasama sa official entourage ng Unang Ginang si Tantoco.
Iginiit niya na nakakahiya dahil may gumagawa ng pekeng police report na naturingang journalist dahil sa hindi nila alam ang magsagawa ng kanilang sariling imbestigasyon.
Gayunpaman, hindi na nagbigay ng pangalan si Castro kung sino ang kanyang tinutukoy.
Ayon kay Castro, noong nasa Los Angeles ang Unang Ginang, may ibinigay sa kanya na security service ang US at may kasama siyang Presidential Security Guard, at hindi siya tumira sa parehong hotel ni Tantoco.
Ipinakita rin ni Castro ang mga aktibidad na dinaluhan ng Unang Ginang noong March 8, kung saan makikita na kasama niya si Tourism Secretary Christina Frasco ng hapon ang hanggang gabi.
Samantala, kinumpirma ng LA County Medical Examiner na namatay si Tantoco dahil sa paggamit ng cocaine.
Nakasaad sa report na inilabas ngayong buwan ng Hulyo na aksidente ang pagkamatay ni Tantoco dahil sa epekto ng paggamit ng cocaine at nakadagdag pa ang sakit niya sa puso.