Sinuportahan ng Malacañang ang paghihigpit sa requirements para sa mga nais maging bahagi ng Philippine National Police (PNP).
Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na matagal nang mahigpit ang PNP sa pagtanggap ng mga aplikante para sa pagiging pulis, ngunit may mga pagkakataon na tanging habang nasa serbisyo na ang isang pulis ay doon lamang lumalabas ang mga isyu sa kanya.
Ito ay pahayag ng Palasyo kasunod ng pagsasampa ng kasong inciting to sedition laban sa isang police vlogger mula Quezon City Police District (QCPD) na nagsalita laban kay President Ferdinand Marcos Jr. at sa gobyerno.
Ayon kay Castro, sa mga tala ng PNP, may mga problema sa kalusugan na nakita sa nasabing pulis bago pa man siya mabigyan ng pagkakataon na bumalik sa serbisyo nang bumuti ang kanyang kalagayan.
Ipinatawag naman ni President Marcos Jr. si PNP spokesperson Brigadier Gen. Jean Fajardo sa Malacañang kahapon, ngunit hindi pa tiyak kung tatalakayin ang kaso ng nasabing pulis.