
Walang naitalang banta sa buhay ni Vice President Sara Duterte, ayon sa Malacañang.
Sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na walang natanggap na report, reklamo o anumang rekord ang Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng umano’y banta sa seguridad ng Bise Presidente.
Patuloy naman aniyang nagbibigay ng seguridad ang mga ahensiyang nakatalaga para rito, hindi lamang kay Duterte kundi sa lahat ng Pilipino.
Hinamon din ni Castro ang Bise Presidente na maglabas ng ebidensiya kaugnay ng kanyang pahayag na hindi siya ligtas.
Ayon kay Castro, ngayon lamang umano lumutang ang mga alegasyon ni Duterte tungkol sa mga banta, kasunod ng isyung kinasasangkutan niya matapos siyang akusahan ng pagbabanta sa buhay nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez.








