Muling tiniyak ng Malakanyang ang kooperasyon ng pamahalaan, sa pamamagitan ng Interpol, kung maglalabas ng warrant of arrest ang International Criminal Court laban dating Pangulong Rodrigo Duterte.
May mga haka-haka na naglabas na ang ICC ng arrest order laban kay Duterte, na posibleng maharap sa crime against humanity dahil sa kanyang brutal na war on drugs noong siya pa ang presidente at dahil sa extrajudicial killings sa Davao City noong siya pa ang mayor sa nasabing lugar.
Kinilala ni Palace Press Officer Claire Castro ang mga report subalit hindi pa siya maaaring maglabas ng komento.
Gayunpaman, sinabi ni Castro na maglalabas ng hold-departure order kung may ilalabas na warrant of arrest laban kay Duterte.
Aniya, bagamat tintiyak ng pamahalaan ang kooperasyon sa posibleng pag-aresto kay Duterte, iginiit niya na nananatili ang paninindigan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na walang hurisdiksion ang ICC sa bansa matapos na kumalas ito sa lupon noong 2019.
Ayon naman kay Solicitor General Menardo Guevarra, wala pa silang natatanggap na anomang abiso o communication mula sa ICC tungkol sa warrant of arrest laban sa dating pangulo.
Sinabi niya na ang Department of Foreign Affairs ang entry point ng katulad na abiso o communication bilang bahagi ng diplomacy courtesy.
Samantala, sinabi ni Presidential Communications Secretary Jay Ruiz, handa ang pamahalaan sa anomang kaganapan kaugnay sa nasabing usapin.
Sinabi naman ng Bureau of Immigration na wala pa silang impormasyon sa biyahe ni Duterte sa Hongkong.
Umalis si Duterte patungong Hongkong noong Biyernes, na dumalo sa thanksgiving event ng overseas Filipino workers sa Wan Chai district kahapon.
Bagamat sikat na tao si Duterte, walang rason ang BI para imonitor ang kanyang paglabas at pagpasok sa bansa dahil wala namang lookout order laban sa kanya.