
Tinawag na tsismis ng Malakanyang ang ulat na mayroong colon cancer si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na nakakasira sa Pangulo, sa gobyerno at sa ekonomiya ang mga ganitong uri ng haka-haka lalo na kung galing ito sa mga fake news peddler.
Tinukoy ni Castro si Atty. Harry Roque na nagpakalat umano ng tsismis na mayroong colostrum bag ang Presidente sa kanyang tiyan at naglabas pa ng larawan na tila may umbok sa gilid ng tiyan sa isang aktibidad nito.
Ayon kay Castro, nakita naman sa video na itinaas ng Pangulo ang kanyang mga kamay habang kumakaway sa ating mga kababayan.
Kitang-kita rin umano ang sinasabing larawan na ipinakita ni Roque sa social media na pawang mga kasinungalingan lamang.
Nanawagan si Castro sa publiko na huwag maniwala sa mga ipinapakalat na fake news mula sa kampo ni Roque at huwag tangkilikin ang mga mga ganitong uri ng tsismis.









