Kasunod ng magnitude 7.8 na lindol na yumanig sa Mindanao, muling pinaalalahanan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang publiko tungkol sa banta ng malalakas na lindol sa mga lalawigan ng Cagayan at Isabela dahil sa mga natukoy na aktibong fault line sa mga lugar na ito.

Ayon sa ahensya, may tatlong pangunahing fault line sa Cagayan na matatagpuan sa Lasam, Gattaran at Baggao na maaaring magdulot ng lindol na may lakas mula magnitude 6.7 hanggang 7.2.

Sa Isabela naman, kabilang sa mga aktibong fault ang Divilacan Fault, Santiago Segment ng East Cordillera Fault at isang unnamed fault line sa Ilagan City, na pawang may kakayahang magpasimula ng malalakas na pagyanig na maaaring umabot sa magnitude 7.2.

Binigyang-diin din ng PHIVOLCS na ang East Luzon Trench ay may potensyal na magdulot ng lindol na aabot sa magnitude 8.5 na maaaring makaapekto sa silangang bahagi ng Cagayan at mga karatig-lalawigan.

Gayunman, nilinaw ng ahensya na wala pang umiiral na teknolohiya na kayang eksaktong tukuyin kung kailan magaganap ang isang lindol dahil sa hindi mahulaang paggalaw ng mga bato sa ilalim ng lupa.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, hinikayat ang publiko na manatiling handa at magkaroon ng sapat na kaalaman sa mga hakbang sa kaligtasan sakaling tumama ang isang malakas na lindol.