Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr bilang ganap na batas na nagpapababa sa ilang penalties at multa may kaugnayan sa paggamit ng mga motorsiklo, na amyenda sa Motorcycle Crime Prevention Act. 

Nakasaad sa Republic Act No. 12209 na ang driver ng motorsiklo na walang plate number o readable plate number ay pagmumultahin ng hindi hihigit sa P5,000.

Ang itinakdang multa sa Motorcycle Crime Prevention Act sa nasabing paglabag ay P50,000 hanggang P100,000.

Dagdag pa dito, ang motorsiklo na minamaneho na walang plate number o readable number plate ay dapat na patigilin at kumpiskahin ng enforcers ang motorsiklo, at agad na isuko sa Philippine National Police, subalit hindi ito kukumpiskahin kung makakapagpakita ng patunay ng pagmamay-ari at registration at ang may-ari ay walang kasalanan sa non-installation ng number plate o readable plate.

Kung ang number plate o readable plate ng motorsiklo ay nawala, nasira, o ninakaw, kailangan na i-report ito ng may-ari sa LTO at sa PNP sa pamamagitan ng Joint PNP and LTO operations at Control Center sa loob ng 72 oras sa pagkakadiskubre na nawala o nasira, at humingi ng kapalit na number plate.

-- ADVERTISEMENT --

Kung mabibigo ang may-ari ng motorsiklo na gawin ito, magmumulta siya ng hindi hihigit sa P5,000, at kung ang nawala o nasira, o ninakaw ang number plate ay ginamit sa offense na may parusa sa ilalim ng Revised Penal Code o special penal laws, kung mabibigo na i-report ito sa loob ng tatlong araw na ang motorsiklo ay nawala, nasira, o ninakaw, pagmumultahin ang may-ari ng hindi hihigit sa P10,000.

Sa unang batas, ang kabiguan ng may-ari na i-report ang nawalang number plate o readable number plate ng motorsiklo ay may multa na hindi bababa sa P20,000 subalit hindi hihigit sa P50,000.

Ang mga may-ari ng motorsiklo na may number plates na hindi nakakatugon sa mga probisyon ng nasabing batas ay kailangan na mag-renew ng kanilang registration at mag-apply ng kailangan na readable number plate bago ang December 31, 2025.

Sa ilalim ng bagong batas, binibigyan ang LTO ng hanggang June 30, 2026 para magawa at maibigay ang mga number plates.