Inihayag ng Department of Energy na muling tataas ang presyo ng mga produktong petrolyo simula Martes, Marso 24.

Ayon kay Sharon Garin, tataas ng P6.47 kada litro ang gasolina, P11.88 kada litro ang diesel, at P13.66 kada litro ang kerosene.

Sinabi ng kalihim na bahagyang humupa ang galaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado sa mga nakaraang araw, bagama’t nananatiling hindi matatag ang sitwasyon.

Patuloy ding hinihikayat ng DOE ang mga kumpanya ng langis na ipatupad ang staggered o paunti-unting pagtaas ng presyo, subalit may ilang kumpanya na hindi ito kayang gawin at hinihintay pa ang kanilang ulat hinggil sa kanilang magiging hakbang.

Ipinaliwanag din na ang staggered na pagtaas ng presyo ay maaaring magdulot ng pagkalugi sa mga kumpanya dahil sa pabago-bagong presyo ng langis araw-araw, na dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan.

-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak naman ng DOE na sapat ang suplay ng langis sa bansa hanggang unang linggo ng Mayo habang patuloy ang pagdating ng mga bagong delivery.

Samantala, muling tumaas ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado matapos magbigay ng ultimatum si Donald Trump sa Iran na buksan ang Strait of Hormuz sa loob ng 48 oras o haharap sa malawakang pinsala sa kanilang energy infrastructure, habang nagbabala rin ang Israel na magpapatuloy pa ang digmaan sa loob ng ilang linggo.

Ang Strait of Hormuz ay dinadaanan ng humigit-kumulang 20 porsyento ng suplay ng langis at gas sa buong mundo, at ang pagsikip ng daluyan nito ay nagdulot ng halos paghinto ng mga shipment ng petrolyo at pagtaas ng presyo sa pandaigdigang merkado.

Sa kabila nito, inanunsyo ng Petro Gazz na may ilang istasyon na magpapatupad ng rollback na P5 kada litro sa diesel at gasolina, habang ang ibang kumpanya ay magpapatuloy sa pagtataas ng presyo.