Nagdulot ng kontrobersiya ang isang presentasyon ng U.S. Department of State sa AIDS 2026 Conference matapos magpakita ng mapa ng Africa na mali ang pagkakalagay at pagkakalabel ng lahat ng bansa sa kontinente.

Batay sa pagsusuri ng Reuters, ang larawang ginamit sa presentasyon ay may watermark na nagpapakitang ginawa ito gamit ang OpenAI artificial intelligence tools. Hindi naman nagbigay ng pahayag ang OpenAI kaugnay ng insidente.

Inako ng U.S. Department of State ang buong pananagutan sa nangyari at ipinaliwanag na isang miyembro ng kanilang team ang nagmamadaling nagbago ng slide deck bago ang presentasyon, na siyang naging dahilan ng maling mapa.

Sa ipinakitang mapa, nailagay ang Nigeria sa Sahara Desert, inilipat ang Mozambique sa Horn of Africa, at inilagay ang Ivory Coast sa kabilang bahagi ng kontinente.

Ayon sa AIDS expert na si Emily Bass, unang lumabas online ang mga screenshot ng mapa sa pamamagitan ng kanyang Substack post bago ito kumalat sa LinkedIn. Samantala, sinabi ni AI at geopolitics expert ng Atlantic Council na si Matt Petit na ipinakita ng insidente ang kakulangan sa beripikasyon ng impormasyong ginamit sa presentasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Ang naging tagapagsalita sa kumperensiya ay si U.S. Global Health Envoy at PEPFAR Coordinator na si Jeff Graham. Samantala, iginiit ng U.S. Department of State na nananatiling nakatuon ang Estados Unidos sa paglaban sa HIV/AIDS sa kabila ng nangyaring pagkakamali sa presentasyon.