Inirekomenda ng Cagayan Provincial Health Office ang sapilitang pagsusuot ng face mask ng publiko sa harap ng paglaganap ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Ayon kay Dr. Carlos Cortina ng PHO na base sa pag-aaral ay maaari kasing maipasa ang virus sa pamamagitan ng micro droplets at ang pagsusuot ng face mask ay makakatulong upang maiwan ang pagkakahawa.
Ngayong nagkakaubusan na ng face masks, maaari naman daw gumamit ng cloth o washable mask kung lalabas ng bahay, pero kaakibat ito ng maayos na pag-sterilize.
Ang paggamit naman ng N95 mask o surgical mask ay inirekomenda sa mga health workers na humahawak sa mga kaso ng mga Patient Under Investigation (PUI) o positibo sa COVID-19.
Tiniyak din ni Cortina na may sapat na personal protective equipment (PPEs) para sa mga frontliners sa lalawigan ng Cagayan.